2 eskuwelahan sa QC sakop ng fault line, planong ipasara
MANILA, Philippines - Inirekomenda ng pamahalaang lungsod ng Quezon na ipasara ang Bagong Silangan Elementary at High School dahil nakatayo ang mga gusaling ito sa tuktok ng West Valley fault line na sinasabi ng Philippine Volcanology and Seismology (Phivolcs) na hinog na para gumalaw.
Ang hakbang ay inirekomenda na ni QC Mayor Herbert Bautista sa Engineering Officials at sa Division of City Schools ng lungsod para sa dalawang paaralan na may 11,000 mag-aaral.
Dahil sa nalalapit na ang bakasyon, may sapat umanong panahon ang QC gov’t para maipatupad ang pagsasara ng dalawang paaralan at paglilipat ng mga maaapektuhang mag-aaral doon.
Kasabay nito, inirekomenda rin ni Bautista ang pagsasara sa Smile City Homes na nasa Zabarte Road dahilan sa umano’y structural defects ng gusali rito.
Hiniling na ni Bautista sa developer ng Phinma Properties na maipatupad ang retrofitting measures sa gusali ng Smile Citihomes para matiyak ang kaligtasan ng mga nakatira doon.
Nakikipag-ugnayan na rin ang QC gov’t sa Phivolcs para sa pagtukoy ng iba pang pasilidad sa lungsod na maaaring dinadaanan ng fault line upang makagawa ng nararapat na hakbang hinggil dito.
Batay sa Metro Manila Earthquake Impact Reduction Study, 7 sa 17 lungsod sa Metro Manila ang dadanas ng matinding damage kung magkaroon dito ng malakas na lindol kasama rito ang Marikina, QC, Pasig, Makati, Pateros, Taguig at Muntinlupa.
- Latest
- Trending