MANILA, Philippines - Dahil sa patuloy na pagtaas ng halaga ng produktong petrolyo, ihihirit ng United Transport Koalisyon (1UTAK) partylist group sa Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) na gawing P12 ang minimum na pasahe sa mga pampasaherong jeep upang makayanan ng mga tsuper at operator ang epekto ng serye na pagtaas ng presyo ng langis at ang inaasahang pagbagsak ng bilang ng pasahero sa darating na bakasyon.
Ayon ka 1UTAK chairman Atty. Vigor Mendoza II, base sa kanilang karanasan, karaniwang bumabagsak ng 30 porsyento ang dagsa ng pasahero kapag nagsimula na ang summer vacation na sasabayan pa ng serye ng oil price increase.
Base sa straightline computation ng 1UTAK, hindi malayong maitulak nila ang P12 minimum fare sa passenger jeep upang makaagapay ito sa pamumuhay ng maliliit na driver ng jeep.
Gayunman, sinabi ni Mendoza na bagamat ang ganitong kataas na minimum fare sa jeep ay hindi rin nakakabuti sa mga kaanak ng mga drivers at operators na sumasakay din ng pampasaherong dyip, handa naman silang makipag-usap sa pamahalaan para makalikha ng mga mitigating measures na magpapaluwag sa kabuhayan ng transport sector bunga ng epekto ng oil price hike.
Isa sa mga mitigating measures umano ay ang pagrepaso ng mekanismo ng presyo ng langis, mula sa replacement cost hanggang sa inventory based pricing, matulungan ang hanay ng transportasyon sa pag-set-up ng mga gasoline stations upang maka-avail ng bulk pricing, paigtingin ang kampanya laban sa mga kolorum at out-of-line vehicles.
Kailangan din umanong pabilisin ang proseso ng pagrerehistro ng mga pampublikong sasakyan, alisin ang mga kotong cops sa lansangan at tulungan ang transport sector sa pamamagitan ng Expanded Value Added Tax (EVAT) collections na makapag-shift ang kanilang mga sasakyan na pinapagana ng Liquefied Petroleum Gas (LPG), Compressed Natural Gas (CNG) at Bio Methane.
Dapat din umanong gamitin ng gobyerno ang pondo sa transportasyon upang makapagtayo ng mga oil storage facilities sa mga probinsya upang makamenos sa transshipment cost ang pamahalaan.