5 pulis sa nawalang ransom, kinasuhan
MANILA, Philippines - Matapos ang pagsuko ng limang pulis na umano’y sinasabing sangkot sa pagkawala ng may P10.6 milyon na bahagi ng P15 milyon ransom money, kasalukuyan ding iniimbestigahan ang sinibak na hepe ng MPD- Station 5 na si Supt. Felipe Cazon.
Kasabay nito, kinasuhan na rin ni Chief Insp. Mar Reyes, hepe ng MPD- GAS chief at City Hall detachment ng qualified theft, estafa at obstruction of justice ang mga pulis na sina P/Sr.Insp. Peter Nerviza, hepe ng WPD-Station 5 Anti- Crime Unit, SPO3 Ernesto Peralta; PO3 Jefferson Britanico, PO3 Mike Ongpaoco Fabia at PO1 Rommel Santos Ocampo.
Ayon kay Reyes, ang kanyang pag-iimbestiga ay bunsod na rin ng kautusan ni Manila Mayor Alfredo Lim matapos na ibunyag ng kidnap suspect na si Marlon Lopera na kinuha ng mga pulis ang ransom money, tinakpan ang kanyang mukha at saka inilabas ng Riviera Mansion.
Kamakalawa ay sumuko ang limang pulis matapos magpalabas ng shoot to kill order si Lim. (Doris Franche at Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending