Baby nadaganan ng bulto ng ukay-ukay, patay

MANILA, Philippines - Isang 7-buwang gulang na sanggol ang namatay matapos mabagsakan ng isang bulto ng ukay-ukay habang natutulog sa loob ng isang bodega sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng hapon.

Kinilala ang nasawing beybi na si Jherson Posadas Isturis, ng #1106 Juan Luna St., Brgy. 8, Zone 1, District 1,Tondo, Maynila.

Sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-4:30 ng hapon nitong Martes nang maganap ang insidente sa loob ng bodega ng Tripple 8 Trucking Services, na matatagpuan sa #1100 Juan Luna St., ng nasabing lugar.

Sinabi ni Jessica Isturis, 21, ina ng biktima, pansamantalang iniwan niya sa pangangalaga ng half-sister na si Neriza Benitez, na nasa nasabing bodega, ang sanggol dahil sa dami ng kanyang gawain sa kanilang bahay.

Nang patulugin ni Benitez sa isang upuang kahoy ang beybi, nagulat na lamang siya nang biglang humulagpos ang isang bulto ng naka-plastik na ukay-ukay na naglalaman ng 45 kilo ng mga lumang damit na nakasalansan sa tabi ng upuang kahoy.

Halos hindi na nakaiyak ang sanggol at nang tanggalin ang bulto ng ukay-ukay na dumagan sa katawan nito ay nakitang may lumalabas na dugo sa ilong at bibig kaya’t isinugod sa Gat Andres Bonifacio Hospital subalit idineklarang dead-on-arrival dakong alas-5:15 ng hapon.

Napag-alaman na si Benitez ay kinakasama ng caretaker ng nasabing bodega na si Jose Sese kung saan stay-in ang mga ito sa lugar.

Show comments