Lola, 3 apo patay sa sunog
MANILA, Philippines - Hindi na nagawang makalabas sa nagliliyab nilang bahay ang isang lola at tatlo nitong apo matapos ang may kalahating oras na sunog, kahapon ng madaling-araw sa Makati City.
Nakilala ang mga nasawi na sina Lola Mira Sabio, 65, mga apo nitong sina Arianne Aquino, 12; Judy Perez, 13, at Andrea Marie Banquiles, 7-taong gulang.
Sa ulat ng Makati Fire Department, dakong alas-2:10 ng madaling-araw nang sumiklab ang apoy sa bahagi ng sala ng bahay ng mga biktima sa may Water Lily Street sa Brgy. Rizal, ng naturang lungsod.
Agad na rumesponde naman ang mga bumbero kung saan naapula ang apoy dakong alas-2:40 ng madaling- araw matapos na umakyat ito sa ikalawang alarma.
Nang pasukin ang natupok na bahay, natagpuan ang mga bangkay sa kanilang kuwarto at sa kusina kung saan posibleng tinangkang lumabas sa pamamagitan ng pinto sa likod ng bahay ngunit nabigo dahil sa naka-double lock ito.
Sinabi ni Makati fire marshall Samuel Tadeo na mistulang nakulong ang mga biktima sa sarili nilang bahay dahil sa mga bakal na grill ang mga bintana habang naka-double lock ang mga pinto.
Inaalam naman ng mga imbestigador ang ulat na nagmula ang apoy sa nag-overheat na electric fan na magdamag gamit ng pamilya sa pagtulog. Nabatid naman na mga apo ni Sabio ang mga kasamang nasawi sa iba’t iba nitong mga anak na pinatutulog nito sa kanyang bahay.
- Latest
- Trending