MANILA, Philippines - Nasawi ang isang barangay chairman matapos itong pagbabarilin ng apat na katao kabilang ang isang babae na pawang miyembro umano ng komunistang grupo habang ang una ay nakikipagkuwentuhan sa harapan ng bahay nito sa Navotas City kahapon ng umaga.
Dead-on-arrival sa Tondo Medical Center ang biktimang si Edwin Abella, kapitan ng Brgy. North Bay Boulevard (NBSS), nakatira sa Block 34, Lot 12, Phase 1-B, Banak St., Kaunlaran Village ng nabanggit na lungsod. Nagtamo ito ng ilang tama ng bala sa ulo at mukha. Nagsasagawa pa ng follow-up operation ang mga kagawad ng Navotas City Police laban sa apat na hindi pa nakikilalang mga suspek kabilang ang isang babae.
Sa inisyal na report, naganap ang insidente dakong alas-7:30 ng umaga sa harapan ng bahay ng biktima habang nakikipagkuwentuhan ito sa mga kasamahan sa barangay nang biglang dumating ang apat na suspek na armado ng mga baril. Walang sabi-sabing pinagbabaril ng mga suspek ang nagulat na biktima at nang matiyak ng mga ito na hindi na mabubuhay ang kanilang target ay nag-iwan pa ng isang sulat ang mga ito bago mabilis na nagsitakas.
Base sa nilalaman ng sulat na iniwan ng mga suspek, inaako ng grupong PARTISANO (Armadong Operatiba ng Partido Marxista-Lenimista ng Pilipinas) ang ginawang pagpatay sa barangay captain.
Nakasaad pa sa sulat na kaya umano nila pinatay ang biktima ay dahil sa pagkakasangkot nito sa iba’t ibang kaso tulad ng estafa, paggamit ng dinamita sa pangingisda, pagiging lider ng sindikato ng paihi ng langis, literal na pang-aalipin, protektor ng iligal na droga at panggagahasa.