MANILA, Philippines - Bunsod na rin ng takot sa ipinalabas na shoot-to-kill order ni Manila Mayor Alfredo Lim, sumuko kahapon ang limang pulis ng Maynila na inaakusahang tumangay ng tinatayang P10.6 milyon ransom na nabawi mula sa isang kidnap-for-ransom group kung saan isinagawa ang bayaran sa Riviera Mansion sa Malate, Maynila kamakailan.
Sina P/Sr.Insp. Peter Nerviza, hepe ng WPD-Station-5 Anti-Crime Unit, SPO3 Ernesto Peralta; PO3 Jefferson Britanico, PO3 Mike Ongpaoco Fabia at PO1 Rommel Santos Ocampo ay nanindigan na wala sa kanila ang P10.6 milyon na sinasabing nawawala matapos ang pagsagip sa kidnap victim na si Eric Sim Chin Tong, isang Malaysian national at residente ng Malabon City. Si Tong ay may negosyong metal recycling.
Kinumpirma ni Tong na P15 milyon lamang ang ibinigay na ransom money na taliwas sa mga unang nabalita, kung saan unang narecover ang P4.2 milyon at makaraan ang ilang oras ay nabawi rin ang P200,000 pa.
Ayon kay Lim, isang hamon naman ito kay MPD director Chief Supt. Rongavilla upang malaman kung saan napunta ang P10.6 milyon at kung sino ang nagsasabi ng totoo matapos na dalawang bersiyon ang lumalabas at dapat na mabigyan ng sagot. “Sino ang nagsasabi ng totoo?, ang mga pulis o ’yung biktima”, ani Lim.
Lumilitaw sa pahayag ni Marlon Lopera, ang umano’y mastermind ng grupo, nagkanya-kanyang silid ng pera ang mga pulis matapos ang 10 minutong operasyon. Subalit mariin naman itong itinanggi ng mga pulis na isinasangkot.
Sinabi ni Lim na isa mga dapat na sagutin ng mga pulis ay ang oras na itinagal ng mga ito sa pag-turn-over ng maleta ng pera. Nabatid kay Lim na aabot lamang sa 10 minuto ang layo ng nasabing hotel sa MPD-Station 5 upang i-turn over ang pera lalo pa’t 11:15 ng gabi naka-record sa CCTV ng hotel naganap ang operasyon.
Sinabi naman ni Nerviza na hindi agad sila sumuko dahil naghahanap sila ng tamang tao at panahon para ipaliwanag ang sitwasyon lalo pa’t sila ang naiipit samantalang sila naman ang siyang nagsagawa ng pagliligtas sa biktima.
Ayon naman kay Rongavilla, sisikapin nilang makapaglabas ng resulta hanggang ngayon habang under custodial investigation ang limang pulis.