Amok tigok sa parak
MANILA, Philippines - Isang 36-anyos na sinasabing dating bilanggo ang napatay ng rumespondeng mga tauhan ng Manila Police District-station 2 makaraang mag-amok sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Namatay habang ginagamot sa Gat Andres Bonifacio Hospital ang biktimang si Servano Aniceto, ng Barcelona St.,Tondo, Maynila dahil sa tinamong tama ng bala sa katawan.
Sa ulat ng pulisya, sa pagitan ng alas-12:10 hanggang ala-1:00 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa harapan ng isang bahay sa Barcelona at S. Dela Cruz Sts. sa Tondo.
Nag-ugat ang pagwawala ni Aniceto nang pagbintangan umano ng isang Marjoe Marabe, 30, kapitbahay nito hinggil sa nawawalang motorsiklo ng kanyang bisita na ipinarada sa tapat ng bahay ng huli.
Nabatid na habang nag-iinuman ang grupo ni Marabe sa kaniyang bahay ay biglang naglaho ang motorsiklo kaya’t ipinagtanong sa labas at may nakapagsabi na si Aniceto ang tumangay.
Agad namang kinompronta ni Marabe si Aniceto na itinanggi ng huli hanggang sa mauwi sa mainitang pagtatalo hanggang sa iwan na siya ni Marabe at niyaya nito ang mga bisita niya na lumipat sa ika-3 palapag ng kanilang bahay upang hindi na lumaki ang gulo.
Habang sa labas umano ay pinagbabato ni Aniceto ng mga bote ang bahay ni Marabe ay hindi siya pinatulan. Umalis ang suspek subalit bumalik ito na armado ng baril, sapilitang sinira ang pintuan ng bahay ni Marabe at winasak ang mga appliances doon kaya tumawag ng saklolo sa MPD-Station 2 si Marabe.
Nang abutan ng mga pulis na nagwawala pa sa loob ng bahay ni Marabe si Aniceto, sinabihan ito na sumuko subalit nagmadaling tumalon ito sa bubong ng mga kapitbahay at nakipagpalitan pa ng putok ng baril sa mga awtoridad hanggang sa tamaan at mapatay.
Sa reklamo ni Marabe, bukod sa appliances na nasira ni Aniceto sa halagang P345-libo, may nawawala din umano silang gamit.
- Latest
- Trending