Natakot sa aresto, ginang nagbigti

MANILA, Philippines - Winakasan ng isang 26-anyos na ginang ang sariling buhay makaraang magbigti ito matapos umanong makatanggap ng text message na aarestuhin siya, kahapon ng umaga sa Pasay City.

Nakilala ang nasawi na si Genalyn Aspe, naninirahan sa Kapisanan cor. Apelo Cruz Street, ng naturang lungsod.

Sa ulat ng Pasay City police, dakong alas-9 ng umaga nang madiskubre ng mister ng biktima na si Ricardo, 31, ang bangkay ng misis sa loob ng kanilang kuwarto.

Ayon kay Ricardo, dakong alas-6 ng umaga nang huling makita niyang buhay ang misis nang una siyang lumabas ng kanilang kuwarto. Makaraan ang tatlong oras, nagtaka ito kung bakit hindi pa rin lumalabas ang ginang.

Dito nito pinasok sa loob ng bahay ang asawa kung saan nadiskubre na nakabigti na ito gamit ang isang nylon cord.

Sinabi ni Ricardo na dalawang araw na niyang napapansin na walang kibo ang asawa ngunit ayaw namang sabihin kung ano ang problema.

Napag-alaman na nakatanggap ng text messages ang ginang na pinagbabantaan na aarestuhin ng isang nagpakilalang ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay sa kasong kanyang kakaharapin dahil sa pagsasanla ng super kalan na hindi naman nila pag-aari.

Natakot umano ang ginang sa mensaheng natanggap na dadakpin at ipakukulong siya kapag hindi naibalik sa may-ari ang isinanlang gamit.

Gayunman, patuloy na iniimbestigahan ang insi­dente oara matiyak na walang naga­nap na foul play.

Show comments