Human organ trafficking tinututukan
MANILA, Philippines - Tinututukan ngayon ng pamahalaang lungsod ng Valenzuela ang kaso ng pagsalakay ng mga sindikato ng “human organ trafficking” at sunud-sunod na pagdukot sa mga paslit ng mga naka-bonnet na kalalakihan.
Ayon kay Mayor Sherwin Gatchalian inamin nito na nakatanggap na sila ng maraming ulat sa telepono, text messages, at maging sa internet sa “email, Facebook at Twitter” at maging sa media ukol sa pagdukot sa mga bata na pinapaslang at tinatanggalan ng lamang-loob na ibinibenta ng sindikato sa malaking halaga.
Ito umano ang nagbunsod sa kanila na paimbestigahan ang isyu kung saan pinakilos ang mga tauhan ng city hall, Valenzuela City Police, Liga ng mga Barangay at Division of City Schools.
Isinailalim sa imbestigasyon ang mga barangay, paaralan, pulisya, at maging mga punerarya kung saan wala umanong basehan ang ulat ng “human organ trafficking” dahil sa walang sapat na ebidensya at posibleng produkto lamang ng malikot na imahinasyon at pagkakalat ng maling impormasyon.
Ngunit sa kabila nito, may ilang ulat na nailabas sa telebisyon na anim na paslit ang nakarekord sa Valenzuela City Police na nakaligtas sa tangkang pagdukot ng mga lalaking sakay ng isang van at nakasuot ng bonnet.
Sinabi naman ni Sr. Supt. Eric Reyes, hepe ng Valenzuela Police, na ipinag-utos na niya sa kaniyang mga tauhan na ispatan at inspeksyuning mabuti ang mga sasakyan na puro mga lalaki ang lulan upang maberepika ang naturang ulat.
Hinikayat naman ni Gatchalian ang mga residente na sa halip na ipagkalat ang balita, maaaring direktang iulat ang kanilang nalalaman sa Valenzuela Police sa mga telepono: (02) 986-6627; Special Projects Team (02) 352-4000 o sa Valenzuela Public Information Office (02) 292-9168, 352-1000 local 1822 at 1921.
- Latest
- Trending