MANILA, Philippines - Isang lalaking fetus ang natagpuang nakasilid sa isang kahon sa loob ng isang garbage room sa condominium unit sa Mandaluyong City kahapon ng umaga.
Ayon sa basurerong si Romeo Cervantes, 46, dakong alas-6:30 ng umaga nang makita niya ang isang kahon, na maayos ang pagkakalagay sa garbage room sa basement ng Paragon Plaza Condominium na matatagpuan sa 162 EDSA corner Reliance St., Brgy. Ilaya, Mandaluyong City.
Namumulot umano si Cervantes ng mga basurang maaari niyang maipagbili nang mapansin ang isang kahon na maayos ang pagkakalagay.
Una umanong inakala ni Cervantes na mahalagang bagay ang kanyang napulot dahil maayos ang pagkakalagay nito ngunit laking sindak nang makita ang fetus na nakabalot pa sa isang kulay pink na kumot.
Nagmamadali namang inireport ni Cervantes ang natuklasan sa pulisya para sa kaukulang imbestigasyon.
Natagpuan naman ng mga awtoridad sa tabi ng fetus ang duguang panty na kulay pink, na pinaniniwalaang pagmamay-ari ng ina nito at siya ring posibleng nagtapon sa fetus sa naturang lugar.