Ginang itinumba, ibinaon sa gilid ng ilog
MANILA, Philippines - Kalunus-lunos ang sinapit na kamatayan ng isang ginang na tinadtad ng saksak, binasag ang ulo at saka ibinaon sa gilid ng ilog sa Marikina City.
Ito ay matapos na magreklamo ang ginang sa kanilang barangay tungkol sa pagkalat ng ipinagbabawal na gamot sa kanilang lugar.
Nakilala lamang ang biktima sa pangalang Maria Lauresca, alyas “Fatima” at “Susan”, residente ng Singkamas St., Brgy. Tumana ng nasabing lungsod.
Nabatid na dakong alas-4:00 ng hapon kamakalawa nang mahukay ang bangkay ng biktima sa Marikina riverbanks sa Brgy. Tumana, Marikina City.
Isang tawag mula sa isang babae ang nagbigay ng impormasyon sa Marikina PNP kaugnay ng krimen.
Agad na nagsagawa ng imbestigasyon ang pulisya hanggang sa matukoy ang graveyard kung saan nahukay ang naaagnas na bangkay sa halos tatlong talampakan lamang ang lalim.
Nakasuot ng green na shorts at green na damit at kitang-kita sa bangkay ng biktima na dumanas ito ng matinding pagpapahirap bago tuluyang pinaslang.
Sa imbestigasyon, lumilitaw na huling nakitang buhay ang biktima nang magreklamo ito sa tanggapan ng Brgy. Tumana kaugnay sa mga kalalakihan na gumagamit at nagbebenta umano ng ipinagbabawal na gamot sa kanilang lugar.
Posible umanong nalaman ng mga suspek ang ginawang pagrereklamo ng biktima kaya ito pinahirapan bago tuluyang pinaslang.
Nagsasagawa pa ng masusing imbestigasyon ang pulisya para matukoy at madakip ang mga salarin.
- Latest
- Trending