Dumukot, gumahasa sa 4-anyos, kinasuhan na

MANILA, Philippines - Sinampahan na ng kasong kidnapping with rape ang isang 28-anyos na lalaki makaraang maaresto dahil sa pagdukot at panggagahasa sa isang 4-anyos na paslit sa Parañaque City.

Nakaditine ngayon sa Parañaque detention cell ang suspek na nakilalang si Dexterio Dugan, mangangalakal ng basura, at naninirahan sa Benitez Street, San Martin de Porres, ng naturang lungsod. Una nang naaresto ang kinakasama ng suspek na si Josephine Abreneal na sinampahan na rin ng kasong kidnapping.

Nabatid sa ulat na naaresto si Dugan kamakalawa sa pinagta­taguan nito sa Cubao, Quezon City makaraang ituro ni Abreneal.

Sa imbestigasyon, dinukot ng magka-live-in ang paslit na biktima noong Marso 2 habang naglalaro sa harap ng kanilang bahay sa Dimasalang Street sa Brgy. Baclaran. Naaresto naman si Abreneal makaraang ituro ng isang saksi.

Nabatid rin na ilang beses na ginahasa ang biktima base sa resulta ng medico legal examination sa paslit. May mga ulat rin na pinupuwersa ng magka-live-in ang biktima na mamalimos habang pinasisinghot rin umano ng rugby.

Show comments