MANILA, Philippines - May 3,000 depektibong tangke ng liquified petroleum gas (LPG) ang umano’y nagkalat sa buong Metro Manila na maaring nagiging sanhi ng mga sunog.
Ito ang ibinunyag ni Merceditas Pastrana, executive director ng LPG Industry Association kahapon, bilang tugon sa lumolobong porsiyento ng sunog na nagaganap sa kamaynilaan at mga lalawigan na ang ugat ay LPG.
Ayon kay Pastrana, ang mga naturang tangke ay nagmumula sa mga bansang Korea, China, at Japan na sinasabing parte ng mga scrap metal na iniimport sa ating bansa. Karamihan sa nabanggit na tangke ay kinakalawang, hindi silyado ng maayos at may iba’t ibang uri ng pangalan ng manufacturer. Inanim ni Pastrana, ang pagkalat ng mga depektibong tangke ng LPG ay hindi maiiwasan bunga na rin ng kompetisyong umiiral sa negosyo ng LPG sa bansa.
Gayunman, ang ganitong kalakaran ay nakakabahala dahil sa aksidenteng kahahantungan nito sa bawat consumers na tumatangkilik.
“Kasi may mga negosyante na ginagamit lamang ang pangalan ng lehitimong dealer at kukuha ng ilang tangke para panimula, pero ang totoo, marami na silang tangkeng depektibo at pipinturahan lang ng kaparehas ng lehitimo saka ibibenta,” sabi ni Pastrana.
Sa ngayon, mabibilang lang anya sa daliri ang mga lehitimong dealer ng LPG na tiyak na ligtas na gamitin ng mga consumers, partikular dito ang Total corporation na may mahigpit na pagbabantay sa mga ginagamit nilang LPG. (Ricky Tulipat at Angie dela Cruz)