Matanserong kuya kinatay ni utol

MANILA, Philippines - Patay ang isang 28- anyos na matansero nang katayin ng nakababatang kapatid sa loob ng kanilang tahanan sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Insp. Armand Macaraeg, hepe ng Manila Police District-Homicide Section ang biktimang si Angel Sombrero Ricafort, ma­tansero sa isang slaughter house sa Tondo at residente ng Camarines St., Tondo.

Hinahanting naman ng pulisya ang suspect na si Antonio Ricafort, 24, ng nabanggit ding lugar.

Sa ulat ni PO3 Mario Asilo, dakong alas-6:30 ng hapon nang maganap ang insidente sa ikalawang palapag ng nasabing bahay ng mag-utol.

Una umanong nag-inu­man sa loob ng kanilang bahay ang suspect at live-in partner nito hanggang sa kapwa malasing at mauwi sa pag-aaway.

Nakialam umano ang biktima upang awatin at patigilin ang dalawa subalit minasama umano ito ng lasing na suspect at sinundan sa loob ng kuwarto ang kapatid at agad inundayan ng mga saksak sa katawan. 

Isinugod pa sa Jose Re­yes Memorial Medical Center ang biktima subalit namatay din habang nilalapatan ng lunas dakong alas-7:45 ng gabi.

Hindi na lumutang pa sa lugar ang suspect.

Show comments