MANILA, Philippines - Nagsampa na ng motion for desistance o pagbabasura sa kaso ang 26-anyos na babae na unang nagharap ng kasong panggagahasa laban sa isang pulis Quezon City sa Regional Trial Court Branch 84.
Sa kanyang affidavit, sinabi ng biktima na nagdesisyon siyang patawarin na lamang si POI Rodrigo Bajog ng Station 12 ng QC Police matapos na makipag-ayos at humingi ng tawad ang pamilya ng suspek sa kanya.
Gayunman, nilinaw ng biktima na hindi ito nangangahulugan na walang nangyari sa kanila ng naturang pulis at hindi totoo ang panggagahasa sa kanya noon sa loob mismo ng Station 12.
Si Bajog ay patuloy na nagtatago sa ngayon, nang sibakin sa puwesto ni QC Police director Chief Supt Benjardi Mantele ang commander ng Station 12 na si Police Supt Pedro Sanchez.
Gayunman, itutuloy pa rin ang kasong administratibo laban kay Bajog at Sanchez sa Internal Affairs Service ng PNP.
Ang panggagahasa ay naganap nang ang biktima ay napiit sa Station 12 ng QC police dahil sa kasong estafa at habang nasa presinto ay ginahasa raw siya ni Bajog.