MANILA, Philippines - Sinimulan na kahapon ng Sky Police ang pagpapatrulya nito sa Metro Manila upang mapalakas pa ang kampanya laban sa terorismo at kriminalidad.
Pinangunahan ni Interior Secretary Jesse Robredo at ng mga opisyal ng PNP ang paglulunsad ng Sky Police sa pakikiisa ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at ng mga Non-Government Organizations (NGO’s ). Ayon kay Robredo, ang Metro Manila ang magsisilbing pilot test sa Sky Police na plano ring ilunsad sa iba pang urban centers sa bansa.
“Una po ito for general crime fighting. Four hours a day yung kanyang flying hours,” ayon pa kay Robredo kung saan dalawang oras sa umaga na lilipad ang mga helicopters at dalawa rin sa hapon. Dalawa ang paliliparin at isa naman ang stand-by kung saan aabot sa P500,000 ang maintenance ng bawat isa rito sa apat na oras na paglipad kada araw.
Itinalaga naman si Sr. Supt. Joselito Salido bilang Commander ng Sky Police Task Force na nasa ilalim ng superbisyon ng National Capital Region Police Office (NCRPO).
Nabatid na gagamitin ng NCRPO ang tatlong Robinson R-44 Raven 2 helicopters para paigtingin ang anti-criminality campaign at pagpapatrulya sa himpapawid bilang suporta sa ground units ng PNP. Ang helicopters ay may search light, infra-red imaging system, night flying capability bukod pa sa dual audio radio para sa koordinasyon sa ground troops. (Joy Cantos at Ricky Tulipat)