P1-P1.50 oil price hike bumulaga
MANILA, Philippines - Muling binulaga ng mga kompanya ng langis ang mga motorista kahapon ng umaga nang biglang magpatupad ng pagtataas sa kanilang mga produktong petrolyo mula P1 hanggang P1.50 kada litro.
Sa ipinadalang advisory ng Pilipinas Shell, kinumpirma ni Bobby Kanapi, vice-president for communications, ang pagtataas nila ng P1.50 kada litro sa diesel, P1.25 kada litro ng kerosene at P1 kada litro sa premium at unleaded na gasolina. Naging epektibo ito dakong alas-6 ng umaga kahapon.
Sumabay din sa Shell ang Chevron Philippines na nagtaas din ng kahalintulad na mga presyo sa nabanggit ding mga produkto.
Muling ikinatwiran nina Kanapi at Toby Nebrida, tagapagsalita ng Chevron, ang paglobo uli sa presyo ng petrolyo sa pandaigdigang pamilihan dahil sa patuloy na kaguluhan.
Inaasahan naman na susunod sa naturang pagtataas ang Petron Corporation at iba pang small players.
Ang naturang pagtataas ang katuparan sa sinabi kamakailan ni Department of Energy (DOE) Secretary Jose Rene Almendras na may nakaamba pang pagtataas sa presyo ng petrolyo.
Muli namang tinuligsa ng grupong Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) si Almendras na inakusahang nagiging tagapagsalita na lamang ng mga kumpanya ng langis tulad ng pinalitang pamunuan sa DOE.
- Latest
- Trending