MANILA, Philippines - Sinibak na sa tungkulin ni Quezon City Police District (QCPD) director Police Chief Supt. Benjardi Mantele ang hepe ng Eastwood Police Station 12 matapos masangkot ang tauhan nitong si PO1 Rodrigo Bajog sa kaso ng panggagahasa sa isang babaeng preso dito kamakailan.
Si P/Supt. Pedro Sanchez, ay pansamantalang pinalitan ni Police Supt. Limuel Obon.
Kasunod nito, hinikayat ni Mantele si PO1 Bajog na akusado sa panggagahasa sa isang tour guide na kanilang ikinulong sa kasong estafa na sumuko ng mapayapa at harapin ang kasong ibinibintang laban sa kanya.
Ayon kay Mantele, si Sanchez ay inalis sa puwesto upang hindi makapag-impluwensya sa isinasagawang imbestigasyon sa kaso ni Bajog matapos na akusahan na inaareglo nito ang kaso ng huli.
Tahasang itinatanggi ni Sanchez ang akusasyon ng biktima dahil agad umano nilang sinampahan ng kaso si Bajog sa Quezon City Prosecutors Office matapos ang reklamo ng panggagahasa at naghihintay na lamang ng warrant of arrest laban dito.
Sa ginagawang case conference sa Camp Tomas Karingal, nag-utos si Mantele ng masusing imbestigasyon laban kay Bajog partikular ang mga kasong grave misconduct dahil sa pagkabigo nitong iprisinta ang kanyang 9mm service pistol at reckless imprudence resulting in damage to property matapos na mabangga ang minamaneho nitong patrol car QC-162 (SJA-702) sa isang silver gray Toyota Crown (UHA-243)na pag-aari ng isang Elizabeth Javier noong Agosto 15, 2010 sa kahabaan ng E. Rodriguez Jr. Avenue, Quezon City.
May kaso rin si Bajog na AWOL (Absent without official leave) simula noong Pebrero 22 matapos ang insidente ng rape kasama ang pre-charge evaluation report na isinumite sa NCRPO Regional Di rector noong Marso 3, 2011.