Pagdami ng cellsite, pinabubusisi
MANILA, Philippines - Pinabubusisi ni Manila 3rd District Councilor Atty. Joel Chua ang pagdami ng cellsite sa lungsod ng walang kaukulang permit mula sa konseho ng Maynila.
Sa kanyang isinumiteng resolution sa City Council, nais ni Chua na bumuo ng Ad Hoc Committee na siyang magsisiyasat sa pagdami ng mga itinatayong cellsite sa lungsod at kung mayroon itong sapat na permit mula sa city hall.
Ayon kay Chua, nakasaad sa Section 52(c) (1), Article VIII ng Ordinance No. 8119 o mas kilala bilang “ The Manila Comprehensive Land Use Plan and Zoning Ordinance of 2006” na kailangang may permit ang mga itatayong Radio Transmitting Stations o Telecommunications Towers sa lugar ng Maynila.
Napag-alaman na tila “kabute” ang mga cell sites sa iba’t ibang panig ng lungsod subalit walang Special Use Permit na nakasaad sa City Ordinance ng City Council.
Ipinaliwanag pa ng konsehal na dapat umanong magsagawa ng imbestigasyon in aid of legislation ang konseho upang malaman kung bakit nakapag-o-operate ang mga nasabing business establishment ng hindi sumusunod sa probisyon.
Ang Ad Hoc Committee ay binubuo nina Councilor Ric Ibay, chairman; Councilor Ernesto Isip, Jr., Vice Chairman; Councilors Joel Chua, Honey Lacuna-Pangan, Marlon Lacson, Casimiro Sison at Jocelyn Dawis-Asuncion bilang mga miyembro.
- Latest
- Trending