Driver dinedo ng pasahero, nagkagitgitan sa daan
MANILA, Philippines - Patay ang driver ng delivery truck, habang sugatan naman ang tiyuhing pahinante nito matapos na pagbabarilin ng pasahero ng isang taxi na umano’y nakagitgitan ng mga ito sa trapiko sa Mandaluyong City kamakalawa ng gabi.
Ayon kay Mandaluyong City Police chief, P/Senior Supt. Armando Bolalin dead- on-arrival ang biktimang si Noel Camba, 28, habang sugatan naman ang tiyuhin nito na si William Camba, 55, kapwa residente ng Interior, Malibay, Pasay City sanhi ng tinamong tama ng bala mula sa .45 kalibre ng baril na ginamit ng suspek sa pamamaril.
Lumilitaw na dakong alas-10:30 ng gabi nang maganap ang krimen sa kahabaan ng EDSA sa Mandaluyong City, habang minamaneho ni Noel ang delivery truck ng Camba Toy Balloon and Party, na negosyo ng pamilya Camba.
Ayon sa mga testigong sina Jomar Dalosa at Erick Palica, kapwa pahinante rin ng delivery truck, bumibiyahe sila sa naturang lugar upang mag-deliver sana sa Quezon City, nang makagitgitan nila sa kalsada ang isang puting Vios taxi, na may nag-iisang pasahero sa likuran.
Sa bahagi pa lamang umano ng Estrella St. sa Makati City ay nagkaroon na ng gitgitan ang kanilang truck at ang taxi dahil naging ‘one way’ ang kalsada sa sobrang trapik.
Ani Puzon, hindi pinagbigyan ng biktima ang taxi, na posibleng naging dahilan kaya nagalit ang pasaherong suspek.
Pagsapit ng truck sa tapat ng San Pedro Poveda College sa Mandaluyong City ay bigla na lang umanong umagapay ang taxi sa truck, at pinagbabaril ng lalaking pasahero ang mga biktima, na parehong nakaupo sa harapan, bago pinaharurot ang taxi patungo sa direksyon ng Greenhills sa San Juan City.
Laking panghihinayang naman ang mga pulis dahil sa kabilisan ng pangyayari ay hindi man lang umano nakuha ng dalawang pahinante ang plate number ng nasabing taxi na magiging lead sana ng kanilang imbestigasyon para maaresto ang suspek.
- Latest
- Trending