4 guro sa Maynila inireklamo

MANILA, Philippines - Umaapela kahapon kina DepEd Secretary Armin Luis­tro at Manila Mayor Alfredo Lim ang mga residente at magulang ng mga estudyante ng Antonio Luna Elementary School na tutukan at imbestigahan ang umano’y pananakit at pangmomolestiya ng ilang mga guro sa kanilang mga estudyante rito.

Kasabay nito, pinaiimbestigahan din ng mga ito ang prin­cipal ng paaralan na si Minda Napilay na umano’y nag­po­protekta sa mga gurong inirereklamo.

Sa sulat na pirmado ng mga magulang na ipinarating sa tanggapan ng DepEd at kay Mayor Lim, ilan sa mga gurong tinukoy ay sina Cecilia Cruz, Elsie Ignacio, Jonathan Ursua at Arfeo Mabahaque.

Nakasaad sa sulat ang iba’t ibang pang-aabuso ng mga guro kung saan Oktubre 2010 nang maabusong sexual ni Arfeo Mabahaque ang mga estudyante na sina Benjamin Bulos, Joshue Fajardo at Arnold Caparas ng A. Luna Elementary School at sina Ricky Boy Abril at Joshua Mangulabnan ng Plaridel Elementary School kapalit ng kaunting halaga.

Disyembre 2010 nang iuntog naman sa blackboard ni Ursua ang estudyanteng si Marlon Novicio. Dinala ito sa ospital at napakiusapan ni Napilay na huwag nang magdemanda.

Sinampal naman ni Ignacio si Brigille May Cosico noong Pebrero 8 habang pinagmumura naman ni Cruz si Ranz Reodique, anak ng kanyang co-teacher na si Elisa Reodique, noong Pebrero 11.

Matatandaan na ang estudyanteng si Trixia May Perez ay dumanas din ng pananakit ni Ignacio kung saan nagkaroon ng trauma ang bata hanggang sa mapilitan ang mga magulang nito na ilipat na lamang sa ibang paaralan ang kanilang anak.

Ayon sa mga magulang, hindi tama ang ginagawa ng mga naturang guro gayundin ang kanilang principal dahil sila ang dapat na maging ehemplo sa mga estudyante.

Giit pa ng mga magulang, tumatahimik na lamang ang iba dahil na rin sa pananakot na ibabagsak at kapalit ng mataas na grado.

Sa paunang tugon naman ng DepEd sa reklamo ng mga magulang, nagpahayag ang tang­gapan na sinisimulan na nilang busisiin ang naturang sumbong at umasa sa kanilang pag-aksyon.

Show comments