MANILA, Philippines - Umabot sa higit 50 kabahayan ang natupok sa naganap na dalawang sunog sa lungsod ng Parañaque at Makati.
Unang sumiklab ang sunog dakong alas-8:30 ng gabi sa isang squatter’s area sa may Fouth Estate, San Antonio Village, Parañaque na umabot ng ikaapat na alarma at naapula lamang dakong alas-9:54 ng gabi.
Wala namang naiulat na nasaktan sa naturang sunog kung saan umabot sa P400,000 ang halaga ng ari-ariang natupok.
Dakong alas-11 kahapon naman ng umaga nang sumiklab ang apoy sa mga kabahayan sa Gen. Luna Street, Brgy. South Cembo, Makati City. Agad namang naapula ng mga miyembro ng pamatay-sunog ang apoy kung saan nasugpo ito matapos ang kalahating oras.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga arson investigators sa sanhi ng naturang sunog habang humiling na ng saklolo ang mga higit sa 70 pamilya na nawalan ng tirahan sa mga mayor sa dalawang lungsod.Hindi pa mabatid kung ano ang pinagmula ng sunog.