MANILA, Philippines - Mismong si Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos Jr., ang nagbunyag na isang aktibong pulis at walong empleyado ng lungsod ang napatunayang ‘durugista’ makaraang bumagsak sa isinagawang mandatory drug test noong nakalipas na taon.
Ayon kay Mayor Abalos, iniutos na niya kay Mandaluyong City Police Chief, Sr. Supt Armando Bolalin ang paghahain ng kasong administratibo laban sa pulis na hindi na tinukoy ang pangalan makaraang mabatid na positibo sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot.
Ang tatlo sa walong empleyado naman ng City Hall na pawang mga contractual ay hindi na ni-renew ang kani-kanilang mga kontrata at tuluyan nang sinibak sa trabaho.
Habang ang lima ay nahaharap na rin ngayon sa dismissal proceeding makaraang bumagsak sa isinagawang drug test.
Sinabi ng Alkalde, noong nakalipas na Nobyembre ay sumailalim sa drug test ang may kabuuang 3,862 empleyado, pulis, jailguard, judge at fiscal sa Mandaluyong bilang bahagi ng kanilang kampanya laban sa iligal na droga.
Noong nakalipas na linggo lamang naipadala sa tanggapan ng alkalde ang resulta ng pagsusuri kung saan ay lumitaw na positibo sa paggamit ng droga ang mga nabanggit na empleyado.