MANILA, Philippines - Patay ang isang lalaki makaraang barilin sa batok ng isang hinihinalang hitman na napaslang din ng mga rumespondeng tauhan ng pulisya, kahapon ng hapon sa Makati City.
Nakilala ang nasawi na si Mario Reyes, dating pinuno ng sidewalk and clearing operations ng Makati City Hall, habang inaalam pa ang pagkakakilanlan sa nasawing gunman.
Sa inisyal na ulat ng Makati police, kumakain sa isang lugawan sa may P. Ocampo Street, Brgy. Pio del Pilar ang biktima dakong alas-2:30 ng hapon nang dumating ang dalawang lalaki lulan ng isang berdeng Honda Wave motorcycle (ND-9477). Bumaba sa motor ang nakaangkas na suspek, nilapitan ang biktima at pinaputukan nang malapitan sa may batok gamit ang isang kalibre .38 baril saka mabilis na tumakas.
Mabilis namang rumesponde ang mga tauhan ng Makati police kung saan nagkaroon ng habulan at palitan ng putok. Makaraan ang 30 minuto, nadiskubre ang bangkay ng isa sa mga suspek sa may P. Medina Street na may tama ng bala sa katawan.
Isang masusing imbestigasyon ngayon ang isinasagawa ng Makati police upang mabatid ang motibo at pagkakakilanlan ng mga salarin sa naturang krimen.