MMDA chairman, kinasuhan sa Ombudsman
MANILA, Philippines - Kinasuhan sa tanggapan ng Ombudsman si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino dahilan sa panibagong reklamo ng katiwalian na isinampa sa kanya ng dating tauhan ng ahensiya.
Ang nagkaso ay si Atty. Emmanuel De Castro, dating Asst. General Manager for Operation (AGMO) ng MMDA, na nagsabing dahil dito ay nararapat lamang na isailalim sa preventive suspension si Tolentino habang iniimbestigahan ng Ombudsman ang kaso batay na rin sa Ombudsman Act of 1989.
Una nang nagsampa ng kasong katiwalian si De Castro laban kay Tolentino kaugnay ng illegal at hindi makatarungang pagtanggal sa kanya bilang AGMO noong nakaraang taon nang magpalabas ng memorandum circulars si Pangulong Benigno Aquino III, na nag-aalis sa mga non-career officials at empleyado ng gobyerno na humahawak ng career executive na posisyon.
Binigyang-diin ni De Castro na ang kanyang posisyon bilang AGMO ng MMDA ay hindi isang career executive post kaya’t hindi siya nasasakop ng memorandum circulars.
Agad na ipinaalam ni De Castro ang naturang paglilinaw ng CESB kay Tolentino, subalit inalok lamang siya ng MMDA chairman ng mas mababang posisyon na kanya namang tinanggihan.
Naninindigan si De Castro na hindi makatarungan at may diskriminasyon ang pagpapatanggal sa kanya sa pwesto dahil alam mismo ni Tolentino na hindi siya nasasakop ng kautusan ng Pangulong Aquino.
Isa pang nakakapagtaka ay ang ginawang pagtatalaga bilang kapalit ni De Castro sa pagiging AGMO kay Atty. Emerson Carlos, na wala rin namang Career Executive Service (CES) legibility.
Una nang nakasuhan si Tolentino ng pandarambong at money laundering sa Ombudsman na isinampa ng kanyang dating executive noong nakaraang taon dahil sa pagkamal ng illegal na yaman noong ito ay alkalde pa ng Tagaytay City.
- Latest
- Trending