MANILA, Philippines - Ibinasura ng Commission on Elections (Comelec) ang petition for disqualification na inihain ni dating Manila Mayor Lito Atienza laban kay Manila City Mayor Alfredo Lim kaugnay ng ginanap na May 10, 2010 automated national and local elections.Sa 5-pahinang resolusyon ng Comelec 1st Division, nakasaad na ibinasura ang petisyon dahil sa kawalan ng sapat na merito.
Ito ay matapos na mabigo ang kampo ni Atienza na makapagsumite ng mga solidong ebidensya na susuporta sa kanyang mga alegasyon.
Kabilang sa mga miyembro ng 1st division na nagdesisyon sa nasabing kaso ay sina Commissioners Rene Sarmiento, Armando Velasco at Gregorio Larrazabal.
Binigyang diin ng Comelec na hindi kasama sa mga itinuturing na election offense cases ang ginamit na batayan sa paghahain ng reklamo batay na rin sa isinasaad ng Section 68 of the poll code.
Sa kanyang petisyon iginiit ni Atienza na lumabag si Lim sa Omnibus Election Code matapos matagpuan ang sinasabing mga pekeng election results sa electronic date processing (EDP) office ng Manila City Hall.
Gayunman, pinabulaanan ni Lim ang mga akusasyon at pinanindigan na ang mga pekeng election results ay sample results ng quick count program na dinedevelop ng city legal officer na si Renato Dela Cruz.
Sa kabila naman nito, nananatili pa ring nakabinbin sa Comelec ang election protest na inihain ni Atienza laban kay Lim dahil sa dayaan sa halalan.