MANILA, Philippines - Inaresto ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang isang kagawad naman ng Southern Police District (SPD) matapos positibong kilalanin sa police photo gallery ng dalawang biktima ng holdup at snatching, sa magkahiwalay na lugar sa Maynila, iniulat kahapon.
Ito’y matapos na ituro ng mga biktimang sina Argie Rivera, 36, Overseas Filipino Worker (OFW), ng Lucena City at isang 21-anyos na itinago sa pangalang “Sunshine”, ng Queensrow Area, Bacoor Cavite ang suspect na si PO3 Abraham Mamicao, na umano’y humoldap at nang-snatch sa dalawang biktima sa hiwalay na insidente.
Nai-turn over na kay C/Insp. Marcelo Reyes, hepe ng MPD-General Assignment Section ang suspect para sa pagsasampa ng mga kasong robbery holdup at robbery snatching.
Sa ulat, ayon sa dalagang si Sunshine, noong Pebrero 21 ng gabi nang hablutin ng suspect na noon ay nakaangkas sa isang motorsiklong kulay asul ang kanyang bag sa panulukan ng J. Nakpil at P.H. Lim St., sa Malate ng suspect habang siya ay naglalakad.
Pebrero 23 naman nang si Rivera, kasama ang kaniyang misis ay sakay ng pampasaherong dyip nang pagsapit sa Lagunsnilad sa Taft Avenue, Ermita ay nagdeklara ng holdap si Mamicao kasama ang hindi pa kilalang lalaki, na nangulimbat umano ng mga alahas nilang suot at cellphone na may kabuuang halaga na P64 ,000.00.
Dahil sa pagsasalarawan ng mga biktima, sinamahan ng mga tauhan ng MPD-Station 5 ang mga ito sa SPD at doon positibong kinilala ng mga biktima sa photo gallery ang mukha ng suspect.
Nabatid na ang nasabing pulis ay minsan nang sinampahan ng kasong robbery sa katulad na pangyayari at nadakip ng mga tauhan ng MPD-Station 5 kaya mayroon silang larawan ng suspect, na naging daan upang madali itong makilala ng mga biktima.