Mister inabandona ang misis, dinedo ni bayaw

MANILA, Philippines - Isang 36-anyos na mister ang pinagbabaril hanggang sa mapatay ng kanyang bayaw matapos umanong iwanan nito ang kanyang misis sa Pasig City kahapon ng umaga.

Dead-on-arrival sa Rizal­ Medical Center sanhi ng tinamong maraming tama ng bala ng kalibre 45 baril ang biktimang si Domi­nador Alday, ng Austria Compound, Brgy. San Joaquin, ng nasabing lungsod­.

Ang suspek na mabilis na tumakas ay nakilalang si Arnel Gagalac, kapatid ng misis ng biktima na residente ng Brgy. Abong, San Juan, Batangas.

Ayon kay PO3 Norman Barcellano, imbestigador ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB) ng Pasig City police, naganap ang insidente dakong alas-10:15 ng umaga sa loob ng compound na tinitirahan ng biktima.

Sinabi ng ilang testigo na nilapitan ng suspek ang biktima habang sakay ng bisikleta at sunud-sunod na pinaputukan ng baril hanggang duguang bumagsak sa semento.

Lumilitaw sa paunang imbestigasyon na matin­ding galit at paghihiganti ang motibo ng krimen ma­karaang basta na lamang iwanan ng biktima ang kan­yang misis na kapatid ng suspect sa probinsya saka nakisama sa ibang babae. 

Nagsasagawa ngayon ng follow-up operation ang pulisya sa posibleng lugar sa pinagtataguan ng suspek, partikular sa kanilang probinsiya sa Batangas.

Show comments