MANILA, Philippines - Tatlong Chinese national kabilang ang isang babae ang naaresto matapos madiskubre ang mini-shabu laboratory sa kanilang inuupahang apartment sa Caloocan City kamakalawa.
Kinilala ang mga suspect na sina Cai Lian Quiao, 38; Wang Xiao Yan, 22; Cai Hong Xuan, 30, naninirahan sa Asuncion St., Morning Breeze Subdivision ng nabanggit na siyudad.
Ayon sa pulisya, alas-3:30 kamakalawa ng hapon nang maghahain ng warrant of arrest ang mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency para sa isang Jimmy Chua, na nakatira sa nabanggit na lugar, subalit nang makita ito ng tatlo ay agad na nagsitakbo.
Dahil dito, hinabol ng mga awtoridad ang tatlo at nang madakip ay hinalughog ang bahay at nadiskubre na ginawang mini-shabu lab ang isang silid dito.
Nakumpiska ang 200 gramo ng shabu, maliit na burner at ilang chemicals sa paggawa ng shabu. Umaabot din sa 15 plastic sachet pa ng shabu ang nakumpiska mula sa nakaparadang sasakyan ng mga suspect na naging dahilan upang arestuhin ang mga ito.