5 sekyu timbog sa payroll robbery
MANILA, Philippines - Limang security guards na hinihinalang miyembro ng “Waray-Waray Gang” kabilang ang officer in charge ng security personnel ng isang bangko ang nai-turn over ng Manila Police District-Station 11 sa MPD-Theft and Robbery Section na pawang responsable sa panghoholdap ng P1-milyong payroll money ng isang manpower agency, sa Binondo, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang mga suspect na sina Jerry Moldes, 30, ng Lordeun, Southern, Leyte; Elmer Amusco, 21, ng Jaboneros St. Binondo Manila; Noel Germinio, 36, at Rexer Pomaregos, 28, mga tubong Samar at kapwa residente ng no. 301 Quintia Ext., Sta Mesa, Manila; Ronnel Desolong, 25, tubong Samar at residente ng no. 999 Ylana St., Tondo, Manila.
Sa reklamo ng biktimang si Gina C. Lamanilao, clerk ng JRS Management Center, sa no. 905 Sabino Padilla St., Binondo, P1-milyon ang naholdap sa kanya ng limang suspect matapos siyang mag-withdraw sa Metro Bank sa China Plaza Branch, ilang metro lamang ang layo mula sa kanilang tanggapan.
Sa ulat ni C/Insp. Johnny Gaspar, hepe ng Gandara-Police Community Precinct, nabawi nila sa mga suspect ang magkahiwalay na bag na naglalaman ng P500 bills.
Sinabi ni Gaspar na si Bgy. Chairman Johnny Que ang tumawag sa kanila upang respondehan ang komosyon dakong 3:45 ng hapon sa tulay ng Gandara sa pagitan ng Soler at Ongpin Sts. at nalaman nila na tinutukan at pinalo ng baril ng dalawang beses si Lamanilao bago inagaw ang dalang bag ng riding in tandem at may plakang ‘for registration’, habang naglalakad pabalik ng opisina.
Agad na kinuyog umano ng taumbayan sina Moldes at Amusco at ikinanta nila ang kinaroroonan ng mga tumakas na kasamahan.
Sa follow-up operation sa bahagi ng Sta Mesa, Maynila, naaresto naman sina Desolong, at Pomaregos, kapwa empleyado ng Centenial Security Agency.
Habang iniimbestigahan umamin ang mga ito na kasabawat nila si Germinio, ang OIC ng security personnel ng Metro Bank-China Plaza Branch.
Isinailalim sa inquest proceedings ang mga suspect sa kasong robbery dala ang mga narekober na ebidensiyang P1-milyon, isang motorsiklo, isang 38 kalibreng pistola, 5 live ammunitions, 1 toy gun na replica ng Beretta pistol, isang Nokia cellphone at mga dokumento at ID ng biktima na nasa loob ng bag.
- Latest
- Trending