MANILA, Philippines - Sinalakay ng mga awtoridad ang isang warehouse kung saan nasamsam ang aabot sa 190 kilo ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng halos P1 bilyong piso sa operasyon sa San Juan City kahapon ng umaga.
Ayon kina National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Director Nicanor Bartolome at San Juan Police chief, Sr. Supt Popoy Lipana, bandang alas-10 ng umaga nang salakayin ng pinagsanib na elemento ng NCRPO, PNP-Anti Illegal Drugs-Special Operations Task Force(PNP-AID-SOTF) at San Juan City Police ang bodega ng shabu na matatagpuan sa # 208 Ortigas corner P. Guevarra Sts., Brgy. Addition Hills ng lungsod.
Sinabi ni Bartolome na ang raid ay kasunod ng pagkakaaresto ng tatlong pinaghihinalaang Chinese drug traffickers na hinihinalang may koneksyon sa international drug ring sa Parañaque City noong Miyerkules ng gabi.
Nabatid na ang ni-raid na townhouse sa San Juan City ay nirerentahan ng suspect na si Long Zong alyas Sonny Long na kabilang sa tatlong Chinese na nasakote sa drug-bust operation sa Parañaque City.
Sa naunang raid, si Zong at dalawa pang Chinese na sina Chan Pon Lou, 38 at Wai Cheung Leung, 41 ay nasamsaman ng 8.5 kilo ng shabu na may halagang P 35 milyon
Bago ito ay isinailalim sa masusing surveillance operation ng mga awtoridad ang grupo umpisa pa nitong huling bahagi ng Pebrero kung saan si Zong ay madalas nakikitang nagtutungo sa nabanggit na townhouse na ginawa ng mga itong bodega ng shabu.
Nasamsam sa raid ang ‘finished products’ ng shabu na nasa 18 pakete na nababalutan ng packaging tape sa isa sa mga kuwarto na aabot sa 190 kilo na ayon kay Bartolome ay tinatayang nagkakahalaga ng P940-hanggang P960 milyon o halos isang bilyong halaga na pinaniniwalaang handa na sa malakihang ‘shipment’ sa mga parukyano ng naturang sindikato.
Ayon kay Bartolome, walang natagpuang anumang kemikal ng shabu at mga kagamitan sa pagmamanupaktura ng droga sa 2 storey townhouse na nangangahulugan lamang na sa ibang lugar ginagawa ng sindikato ang bulto ng droga.
Sa kasalukuyan, ayon pa sa NCRPO Chief ay hindi nila inaalis ang posibilidad na nagtayo ng mga illegal na laboratoryo ng shabu sa mga kalapit na probinsya ng Metro Manila ang mga drug traffickers.