PNP nabulabog sa 'bomba', saging at adobo lang pala

MANILA, Philippines - Nabulabog ang mga ope­ratiba ng Philippine National Police (PNP) matapos na ma­tagpuan ang isang inabandonang bagahe na pinaghinalaang may lamang bomba sa tapat ng banko na katabi ng Gate 2 ng Camp Crame kamakalawa ng hapon.

Sinabi ni PNP Spokesman Chief Supt. Agrimero Cruz Jr., bandang alas-5:30 ng hapon ng mapansin ng mga duty guard sa Gate 2 ang isang inabandonang kahon.

Ang kahinahinalang ba­gahe ay iniwan sa tapat ng Veterans Bank malapit sa Gate 2 ng kampo sa kaha­baan ng Boni Serrano, Brgy. Santolan, Quezon City.

Agad naman itong inireport ng mga duty personnel sa Police Security Battalion Office at bandang alas-7 ng gabi ng wala pa ring kumukuha sa bagahe kaya pinaresponde na ang Explosives and Ordnance Division. 

Ayon kay Cruz, isinailalim sa X-ray at ginamitan rin ng mga bomb sniffing dogs ang naturang bagahe na labis na ipinagtaka ng mga handler nito matapos na kakatwa ang ikinilos at mukhang tuwang-tuwa pa ang mga aso na nag­luluksuhan habang tila gigil na gigil na inaamoy ang laman ng kahon.

Gayunman, matapos su­riin at buksan ang kahon ay ne­­gatibo ito sa eksplosibo kung saan natuklasang mga saging at plastic container na naglalaman ng adobong manok at bote ng suka ang laman ng inabandonang kahon.

 Sa imbestigasyon ay napag-alamang ang bagahe ay naiwan ng isang pasaherong sumakay ng taxi kung saan isinailalim ito sa kustodya ng Logistics Ser­vice sa Camp Crame.

Samantalang lumitaw rin na nagugutom na ang mga bomb sniffing dogs kaya nag­luksuhan ang mga ito habang inaamoy ang kahon na naglalaman ng adobong manok.

Show comments