PNP nabulabog sa 'bomba', saging at adobo lang pala
MANILA, Philippines - Nabulabog ang mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) matapos na matagpuan ang isang inabandonang bagahe na pinaghinalaang may lamang bomba sa tapat ng banko na katabi ng Gate 2 ng Camp Crame kamakalawa ng hapon.
Sinabi ni PNP Spokesman Chief Supt. Agrimero Cruz Jr., bandang alas-5:30 ng hapon ng mapansin ng mga duty guard sa Gate 2 ang isang inabandonang kahon.
Ang kahinahinalang bagahe ay iniwan sa tapat ng Veterans Bank malapit sa Gate 2 ng kampo sa kahabaan ng Boni Serrano, Brgy. Santolan, Quezon City.
Agad naman itong inireport ng mga duty personnel sa Police Security Battalion Office at bandang alas-7 ng gabi ng wala pa ring kumukuha sa bagahe kaya pinaresponde na ang Explosives and Ordnance Division.
Ayon kay Cruz, isinailalim sa X-ray at ginamitan rin ng mga bomb sniffing dogs ang naturang bagahe na labis na ipinagtaka ng mga handler nito matapos na kakatwa ang ikinilos at mukhang tuwang-tuwa pa ang mga aso na nagluluksuhan habang tila gigil na gigil na inaamoy ang laman ng kahon.
Gayunman, matapos suriin at buksan ang kahon ay negatibo ito sa eksplosibo kung saan natuklasang mga saging at plastic container na naglalaman ng adobong manok at bote ng suka ang laman ng inabandonang kahon.
Sa imbestigasyon ay napag-alamang ang bagahe ay naiwan ng isang pasaherong sumakay ng taxi kung saan isinailalim ito sa kustodya ng Logistics Service sa Camp Crame.
Samantalang lumitaw rin na nagugutom na ang mga bomb sniffing dogs kaya nagluksuhan ang mga ito habang inaamoy ang kahon na naglalaman ng adobong manok.
- Latest
- Trending