MANILA, Philippines - Tukoy na ng pulisya ang pangunahing suspek na sinasabing responsable sa pagbaril at pagpatay sa political adviser ni Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos na si Jun Torres.
Ayon kay Eastern Police District (EPD) director Chief Supt. Francisco Manalo, nakilala ang suspek dahil na rin sa impormasyon na ibinigay sa kanila ng dalawang testigo sa krimen.
Bunsod nito ay nagsagawa ngayon ng manhunt operation ang Task Force Torres na binubuo ng apat na crack team para sa agarang ikadarakip ng salarin.
Gayunman, tumanggi si Manalo na ibigay ang pagkakakilanlan ng suspek at ang detalye ng isinasagawang follow-up operation upang hindi ‘masunog’ ang kanilang mga lakad.
Naniniwala si Manalo na hindi magtatagal ay madarakip nila ang gunman sa “little mayor” ng Mandaluyong na si Torres.
Ayon naman kay Mayor Abalos, hanggang ngayon ay wala pa siyang nahahanap na kapalit si Torres bilang kanyang political adviser.
Magugunitang si Torres ay malapitang binaril ng dalawang beses sa ulo ng isa sa dalawang suspek na naka-motorsiklo habang sakay ng kanyang Toyota Fortuner sa Barangka Drive, Barangka Village, Mandaluyong City noong Pebrero 4 ng gabi.