Kinarjack na kotse sa Alabang, narekober na

MANILA, Philippines - Narekober ng mga tauhan ng Muntinlupa Anti-Carnapping Unit ang isang Honda Civic na inabandona ng mga hindi pa nakikilalang carjacker/holdaper makaraang tangayin ito buhat sa babaeng may-ari nito, kamakalawa ng hapon sa tapat ng isang mall sa Alabang.

Sinabi ni Muntinlupa police chief, Sr. Supt. Eleazar Matta na dakong alas-6 kahapon ng umaga nang marekober ng kaniyang mga tauhan ang pulang Honda Civic (ZTJ-620) na pag-aari ng 32-anyos na si Chriselda Melitante, negosyante, ng BF Homes, Parañaque City.

Sa ulat ni Melitante, paalis na sana siya sa parking area ng isang Mall sa Alabang, Mun­tinlupa dakong alas-4:10 kamakalawa ng hapon nang biglang sumulpot ang nag-iisang suspek na agad siyang tinutukan ng baril at umupo sa driver’s seat makaraang paalisin siya.

Minaneho ng suspek ang sasakyan tangay ang biktima tungo sa direksyon ng Laguna habang tinangay ang lahat ng kanyang mahahalagang gamit at salapi. Pagsapit sa isang gasolinahan sa may South Luzon Expresway, ibi­naba siya ng salarin at saka pinaharurot ang behikulo.

Show comments