MANILA, Philippines - Inatasan kahapon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga operators ng mga public utility vehicles (PUVs) na ipintura sa bubungan ng kanilang mga behikulo ang plate number nito para mas madaling ma-monitor ng mga traffic enforcers.
Ito’y makaraang magpasa ng resolusyon ang Metro Manila Council na binubuo ng mga alkalde sa Metro Manila ukol sa “roof tagging” para matulungan ang MMDA na mamonitor ang mga pampublikong bus, at taxi na lumalabag sa trapiko sa mga pangunahing lansangan sa kamaynilaan.
Ipinaliwanag ni MMDA Chairman Francis Tolentino na malaking tulong sa kanilang “closed circuit television (CCTV) cameras” na matukoy ang mga pampublikong sasakyan na lumalabag sa batas-trapiko kung nakapintura ang plate number ng mga ito sa bubungan dahil sa mare-record nila ito.
Kasalukuyang may 68 CCTV camera na nag-ooperate ang MMDA habang nangako umano ang Department of Transportation and Communications (DOTC) na magbibigay ng 1,000 donasyon na CCTV camera sa ahensya.
Makakatulong rin umano ang “roof tagging policy” para hindi magawa ng mga operators ng mga bus na makapagpalit-palit ng plate number upang palagiang makabiyahe kahit na pasok ito sa “number coding”.
Ang naturang polisiya ay pagbuhay lamang sa MMDA Resolution no. 02-27 na inaprubahan ng MMC noong Hulyo 25, 2002 na binibigyan ng awtoridad ang MMDA na magpatupad ng license plate tagging.