MANILA, Philippines - Magsisimula nang sumabak sa pamamasada sa mapanganib na mga pangunahing lansangan sa Metro Manila ang may 31 lady drivers na buhat sa unang batch ng mga nagtapos sa pagsasanay sa pagmamaneho sa ilalim ng MMDA at TESDA.
Sinabi ni MMDA Chairman Francis Tolentino na magtatapos na ngayong linggo sa kanilang training at seminar ang mga babaeng drivers at mag-uumpisa nang magtrabaho ang mga ito sa mga akreditong kompanya ng bus sa unang linggo ng Marso.
Ngunit inamin ni Tolentino na maaaring maging “underpaid” ang mga babaeng drivers dahil sa pinaiiral na sistema ng pagpapasuweldo ng mga kompanya ng bus na karamihan ay nagpapatupad ng “quota system”.
Sinabi ni Tolentino na “overqualified” ang ilan sa mga lady drivers na mga registered nurses at may electrical engineer pa. Marami naman sa mga ito ang nakapagtrabaho nang bus drivers at may hawak na foreign licenses sa Kuwait, Bahrain at Saudi Arabia.
Nais lamang umano ng mga ito na sa Pilipinas na maghanapbuhay upang hindi na malayo sa kanilang pamilya. (Danilo Garcia)