MANILA, Philippines - Umaabot sa 5,300 pulis at sundalo ang idedeploy upang matiyak ang seguridad kaugnay ng gaganaping ika-25 taong anibersaryo sa darating na Pebrero 25 ng makasaysayang Edsa People’s Power 1 Revolution na nagluklok kay dating Pangulong Corazon Aquino sa kapangyarihan.
Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) chief, Director Nicanor Bartolome, nasa 5,000 tauhan ng pulisya ang idedeploy sa okasyon.
Inaasahan namang dadaluhan ni Pangulong Benigno Aquino III ang Edsa 1 anniversary na tatampukan ng programa sa Edsa Shrine kung saan maraming mga VIP’s ang makikiisa sa selebrasyon.
Ayon kay Bartolome nasa full alert rin ang NCRPO para sa pagdiriwang ng Edsa People’s Power 1 at asahan ng isasara ang ilang bahagi ng EDSA para sa programa.
Una rito, nakipagpulong si Bartolome sa mga organizers ng Committee of the Edsa Anniversary program para mailatag ang lahat ng seguridad.
Samantalang makakatuwang rin ng NCRPO sa pagmamatine ng maayos na daloy ng trapiko ang Metro Manila Development Authority (MMDA) at ang AFP-National Capital Region Command (AFP-NCRCOM) ni Brig. Gen. Tristan Kison. Aniya, nasa 300 sundalo ang kanyang ipakakalat upang tumulong sa NCRPO operatives sa pagmamatine ng seguridad upang matiyak na magiging mapayapa ang selebrasyon ng EDSA 1.
Samantala, naglabas na ang MMDA ng re-routing kaugnay ng pagsasagawa ng programa sa selebrasyon ng People Power.
Nabatid na ang bahagi ng 24-kilometro ng highway ay pansamantalang isasara sa trapiko gayundin ang tatlong lanes ng service road ng EDSA mula Ortigas Ave. northbound ngunit nakabukas naman sa motorista ang dalawang lanes mula sa Ortigas fly over hanggang Camp Aguinaldo gate sa Pebrero 25.
Dakong alas-12:01 ng hatinggabi uumpisahan ang partial closure ng EDSA Northbound mula Ortigas Avenue hanggang Santolan at magpapatupad ng full closure mula alas-6 ng umaga hanggang alas-9 ng umaga sa kasagsagan ng programa sa People Power Monument.
Pinapayuhan ang mga motorista na pa-northbound dumaan sa mga alternatibong ruta tulad ng 1. kumanan sa McKinley Road patungong C5; 2. kumanan sa Kalayaan Avenue patungong C5; 3. dumaan sa Rockwell flyover, kumaliwa sa Estrella at dumiretso sa Estrella/Pantaleon bridge; 4. kumanan sa JP Rizal pa-C5; 5. kumanan sa Pioneer Street pa-C5; 6. kumanan sa Shaw Blvd pa-C5 at 7. kumanan sa J. Vargas pa-C5 hanggang sa makarating sa destinasyon.
Ang mga dumaraan naman ng Ortigas Avenue ay pinapayuhan naman na kumaliwa ng EDSA buhat sa Greenhills at tumuloy sa Ortigas Avenue hanggang destinasyon habang ang mga kakanan naman sa EDSA pa-Santolan buhat sa Meralco Avenue ay dapat dumiretso na lamang sa Greenhills.
Sinabi ng MMDA na magpapakalat sila ng sapat na mga tauhan upang umalalay sa mga motorista na maapektuhan ng re-routing at maglalagay ng traffic signs.