MANILA, Philippines – Inutos ni Manila Mayor Alfredo Lim ang pag-imbestiga sa paglipana ng mga computer shop sa lungsod na nagiging dahilan ng pagdami ng out-of-school youth.
Sa ginanap na “People’s Day”, inatasan ni Lim ang Manila Social Welfare Department at ang Bureau of Permits upang alamin kung sumusunod sa patakaran ang mga may-ari ng computer shop.
Ayon kay Lim, hindi dapat na maapektuhan ang pag-aaral ng mga estudyante ng paglalaro ng mga computer games.
Sinabi ni Lim na kanyang inutos ang beripikasyon kung ang mga computer shop ay sumusunod sa layo nito sa mga paaralan at kung tumatanggap ang mga ito ng estudyante sa oras ng klase.
Nabatid sa ilang magulang na kadalasang nagpapalit ng damit ang mga estudyante upang makapasok sa mga computer shop.
Anila, dapat na ipatupad ng mga may-ari ng computer shop ang mahigpit na regulasyon at beripikasyon kung saan bawal maglaro sa oras ng klase.