Sa selebrasyon ng EDSA 1 sa Maynila: Militant groups, hindi palalapitin sa Ninoy, Cory monument
MANILA, Philippines – Tiniyak ni Manila Mayor Alfredo Lim na hindi niya papayagang makalapit sa monumento nina dating Pangulong Cory Aquino at dating Senador Benigno Aquino sa kanto ng Bonifacio Drive at Padre Burgos, Maynila ang mga militanteng grupo na magtutungo sa selebrasyon ng ika-25 anibersaryo ng EDSA 1 sa darating na Pebrero 25.
Ang paniniyak ay ginawa ni Lim kasabay ng paglalatag ng seguridad sa nasabing okasyon kung saan sinabi nito na hindi papayagang makalapit ang mga militanteng grupo para na rin sa seguridad ni Pangulong Noynoy Aquino na darating sa okasyon.
Kasabay ng okasyon ay ang “unveiling” ng rebulto ng namayapang Manila Archbishop Jaime Cardinal Sin na itatayo sa gitnang likuran ni Ninoy at Cory.
Magsisimula ang programa sa harap ng puntod ng mag-asawang Aquino dakong alas-9:30 ng umaga, kung saan hinimok ng alkalde ang mga dadalo na magsuot ng kulay dilaw na damit.
Ang rebulto ni Sin ay gawa sa “bronze” at ginastusan ng P800,000. Aniya personal na pera niya ang kanyang ginastos sa tatlong rebulto bilang pasasalamat sa malaking kontribusyon nina Ninoy, Cory at Sin sa bayan.
Ayon naman kay Sr. Supt. Fidel Posadas ng Manila Police District (MPD), inaasahang aabot sa 1,000 miyembro ng militanteng grupo ang nagbabalak tumungo sa lugar, kaya magtatalaga sila ng may 300 miyembro ng MPD at contingent group mula sa National Capital Regional Police Office (NCRPO) para magbigay ng proteksiyon sa publiko at magbabantay sa militanteng grupo bukod pa ang 250 na itatalaga sa paligid ng tatlong monumento.
Aniya, sapat na ang mga bilang ng mga pulis upang matiyak ang seguridad ng mga dadalong opisyal ng pamahalaan maging ng mga obispo. Magsisilbi namang ground commander ang MPD-Station 5 sa pamumuno ni Sr. Supt. Felipe Cazon.
Nabatid naman kay Sr. Supt. Reynaldo Nava, hepe ng MPD-Traffic Division na isasara rin ang north-bound lane habang pansamantalang gagawing two-lane ang south-bound para sa mga motorista. Ayon kay Nava, lalagyan ng mga plastic cone ang lane upang maging tuluy-tuloy ang daloy ng trapiko.
Giit naman ni Chief of Staff at Media Information Bureau chief Ric de Guzman, ito na ang pagkakataon ng publiko na pasalamatan ang tatlong tao na naging haligi ng EDSA 1 at nagbigay ng demokrasya sa bansa.
- Latest
- Trending