MANILA, Philippines – Halagang P500 ang multang sisingilin ng grupo ng Anti-littering sa sinumang residente o dayo sa Marikina City na mahuhuling nagtatapon ng upos ng sigarilyo at iba pang basura sa kalsada.
Ito ang ipinalabas na babala kahapon ni Marikina City Mayor Del De Guzman para sa patuloy na pagpapanatili ng kalinisan at kaayusan sa lungsod.
Ayon sa Alkalde, binigyan nila ng awtoridad ang mga barangay opisyal kabilang na ang mga tanod na manghuli ng mga nagtatapon at nagkakalat ng mga basura sa kalsada.
Sinabi ng Alkalde, layunin nilang maging disiplinado sa sarili ang lahat ng mamamayan ng Marikina at ang mga bumibisita sa lungsod kaya nila ipinatutupad ang mahigpit na kautusan.
Ang lahat ng mga barangay ay may itatalagang anti-littering enforcer na siyang makakatuwang ng City Environmental Management Office para sa pagpapairal ng disiplina at kalinisan sa lugar ng kanilang lungsod.