MANILA, Philippines – Isang pang suspect na nanloob at pumatay sa isang 72-anyos na lola sa Tondo, Maynila ang nadakip matapos ikanta ng kasamahan nitong suspect na nauna nang sumuko matapos umanong multuhin ng biktima.
Dakong alas-6 ng gabi kahapon nang arestuhin ng grupo ng Manila Police District-Homicide Section ang ikalawang suspect na si Gerry Diaz, 53, vendor at residente ng Marulas, Macabolo St., Caloocan City.
Aktong nakahiga sa kanilang bahay ang suspect nang madatnan ng mga operatiba at binitbit ito sa MPD headquarters.
Sinabi naman ni Diaz na ang nakulimbat nila sa biktimang si Bella Amurao, ng Int. 20 Santos Teodoro St., Matang Tubig, Tondo, Maynila ay siya ang nagbenta sa halagang P7,500.
Unang sumuko kay PO2 Ronnie de los Reyes at sa mga opisyal ng barangay ang suspect na si Jonjon Bituin, 32, ng Matang Tubig, Tondo, dahil sa konsensiya at pagmumulto ng biktima.
Inamin na rin ni Bituin na bukod sa pananakal ay sinaksak niya sa ulo ng screw driver ang matanda habang look-out si Diaz.