Biktima ng salvage, natagpuan sa QC
MANILA, Philippines – “Kung gusto ninyong sumunod sa akin, mangarnap din kayo ng motor at magtulak ng droga.”
Ito ang mga katagang nakasulat sa karatulang karton na iniwan sa natagpuang bangkay ng isang hindi nakikilalang lalaki na may gilit sa leeg at nakabalot ng packaging tape ang buong mukha sa may lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.
Ang biktima na walang pagkakakilanlan ay isinalarawan sa taas na 5’6’’, may edad na 35-40 anyos, maputi, maikli ang buhok, nakasuot ng puting t-shirt, maong na jacket at kulay asul na short pants.
Ayon sa pulisya, ang biktima ay natagpuan na lang na naliligo sa sarili nitong dugo sa may St. Charles Learning Center sa N. Ramirez St., corner Matimyas St., Brgy. Don Manuel ganap na alas-2 ng madaling-araw.
Pinalalagay ng pulisya na maaaring biktima ng salvage ang biktima at ginawa sa ibang lugar bago tuluyang itinapon sa lungsod.
Sinasabing natagpuan ang bangkay ng biktima ng isang Fernando Catalan habang ito ay papasok sa gate ng kanyang bahay. Mula rito ay napuna ang nakahandusay na katawan ng tao na duguan at may packaging tape ang mukha sa nasabing lugar.
- Latest
- Trending