30,000 pasahero na-stranded: 2 tren ng LRT nagbanggaan
MANILA, Philippines – May 30 libong pasahero ng Light Rail Transit (LRT) ang na-stranded matapos ipatigil ang operasyon nito nang magbanggaan ang dalawang tren sa North EDSA, Quezon City kahapon ng umaga.
Ayon kay Hernando Cabrera, tagapagsalita ng LRT, ang pagkaka-stranded ng libong pasahero ay bunga ng malfunction ng kanilang sistema na naging ugat para magsalpukan ang dalawang tren.
“Maaring human error, mechanical problem, o sistema sa signal ang maaring dahilan nito, pero tinitingnan na natin agad ’yan para maging maayos,” sabi ni Cabrera.
Sinasabing 12 libong pasahero ang na-stranded sa Balintawak na patungong Monumento-Baclaran, habang sa Roosevelt vice versa ay tinatayang aabot sa 16,500 na pasahero.
Sa inisyal na ulat, nagsalpukan ang dalawang tren matapos magkaroon ng technical malfunction ang riles nito sa may Roosevelt Station sa lungsod Quezon, ganap na alas-10 ng umaga.
Ayon kay Cabrera, nagsimula ang aksidente nang kapwa dumating ang dalawang tren sa may Roosevelt Station na kapwa nasa isang riles.
Dahil kailangang umatras ang nasa unahang tren, minarapat nitong magmaniobra para makabalik sa biyahe kung kaya nagpasya ang piloto nito na gamitin ang reversing track.
Pero hindi pa nakakatapos makalipat sa isang track ang tren ay umarangkada na ang kasunod nitong tren sanhi upang direktang mabangga nito ang nasa unahang tren.
“Kasi, automatic ang sistema natin, hindi maaring gumalaw ang nasa likod ng tren hanggang hindi pa ayos ang nasa unahan nito, kaya maaaring nagkaproblema talaga sa sistema kaya nangyari ang ganoon,” sabi pa ni Cabrera.
Mabuti na lamang at walang sakay ang tren nang mangyari ang insidente.
- Latest
- Trending