MANILA, Philippines - Pinabubusisi ng concerned citizen sa tanggapan ni Department of Interior and Local Government (DILG) secretary Jesse Robredo ang muling pagbuhay o “full blast” operation ng illegal game numbers na “jueteng” sa buong lalawigan ng Pangasinan.
Ito ay makaraang mapaulat ang balik operasyon ng jueteng sa lalawigan na pinatatakbo umano ng isang alyas “Boy Bata” na isang barangay chairman sa Quezon Province.
Sa report na natanggap mula sa Camp Crame, dalawang linggo na ang operasyon ng jueteng sa lalawigan kung saan ay umaabot sa P10 milyon ang nakukuhang kubransa sa loob ng isang araw.
Habang tatlong porsiyento naman ng kubransa ay napupunta sa ilang tiwaling opisyal ng pulisya.
Dagdag pa rito, isang mayor at isang board member ang katulong ni Boy Bata sa pagpapatakbo ng naturang sugal na tatlong beses ang bola sa loob ng isang araw.
Kamakailan lang ay nagbaba ng direktiba si Robredo kay Chief PNP, Director General Raul Bacalzo para magsagawa ng imbestigasyon hinggil sa sinasabing balik operasyon ng jueteng sa Pangasinan kasabay ng kautusang sugpuin ito.