MANILA, Philippines - Minulto at binagabag ng konsensiya ang isang 32-anyos na lalaki na nagnakaw at pumaslang sa 74-anyos niyang kapitbahay sa Tondo, Maynila noong Linggo kaya ito napilitang sumuko sa mga awtoridad.
Ayon kay Insp. Armand Macaraeg, hepe ng MPD-Homicide Section, isinuko sa kanya dakong alas-4 ng madaling-araw ng ilang opisyal ng barangay at kay PO2 Ronnie delos Reyes, PNP-Camp Crame, ang suspect na si Jonjon Bituin, residente ng Int. 21 S. Teodoro St., Matang Tubig, Tondo, Maynila na umako sa pamamaslang kay Bella Amurao, residente rin sa naturang lugar.
Pahayag ng suspect: “Nakatitig lang siya sa akin at hindi nagsasalita, kaya hindi ako makatulog.”
Inamin ng suspect na noong Pebrero 13, dakong alas-11 ng gabi nang pasukin niya ang bahay ng biktima sa pamamagitan ng pagbutas sa dingding kaya siya nakapasok sa loob ng bahay.
“Nagising siya, tapos hinablot niya ako, tapos nagpambuno kami, sinakal ko siya tapos sumuka ng dugo,” pahayag pa ng suspect.
Sa follow-up investigation ni PO2 Ramoncito Tolentino, tinatayang may P50,000 halaga ng pera at alahas ang nawawala sa biktima.
Una nang inulat ang natagpuang nabubulok na bangkay ng biktima sa loob ng kanyang bahay kamakalawa ng tanghali na may mga saksak at naliligo sa sariling dugo.
Konsensiya ang siyang bumagabag sa suspect kaya nito binanggit na minumulto siya ng biktima dahilan upang isuko ang sarili sa mga awtoridad.