'Bugaw' patay sa parak
MANILA, Philippines - Isang sinasabing ‘bugaw’ sa prostitusyon ng mga menor-de-edad na babae ang napatay ng isang pulis-Maynila makaraang manlaban nang tangkain siyang arestuhin sa kasong human trafficking sa isinagawang follow-up operation, sa loob ng isang motel sa Sta. Cruz, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Sinabi ni P/Insp. Armand Macaraeg na isinugod pa sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) ang suspect na si Joncel Aburido, 23, binata, tubong-Cebu, nanunuluyan sa Room 208 Andalucia Inn, sa A. Mendoza St., Sta. Cruz, Manila.
Isinailalim na rin sa interogasyon ng MPD-Homicide ang nakapatay kay Aburido na si PO2 Angelo Loresto Buzon, 35, na nakatalaga sa MPD-District Headquarters Support Unit (DHSU).
Nabatid na hinanting ni PO2 Buzon ang suspect nang magsumbong sa kanya ang pinsan niyang itinago sa pangalang “Jenna”, 13, kaugnay sa reklamong inihain ng huli sa MPD-Women and Children’s Concern Division (WCCD) sa pagbubugaw umano ng suspect sa kanya.
Kinaibigan umano siya ng suspect hanggang sa umabot ang dalawang linggo at doon na siya sinimulang gawing sex worker.
“Kinaibigan ’yung bata, tapos kung ilang beses na ibinenta,” ani Macaraeg.
Dakong alas-2 ng madaling-araw nang maganap ang pamamaril sa suspect sa okupadong silid nito sa nasabing motel. Nang makarating ang impormasyon kay Buzon hinggil sa kinaroroonan ng suspect, agad niya itong tinungo at inatasang sumuko subalit nanlaban ito habang ipinoposas at sinaksak umano siya ng patalim sa braso. Dahil dito, napilitang paputukan ng pulis ang suspect na naging dahilan ng kamatayan nito.
- Latest
- Trending