MANILA, Philippines - May 40 katao na pinaniniwalaang sangkot sa malawakang bentahan at paggamit ng droga ang dinampot ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa ginawang raid sa isang shabu tiangge sa lungsod Quezon kahapon.
Sinalakay ng PDEA agents ang bahagi ng Matapang St. at Mapagbigay St. sa may NIA road, Brgy. Pinyahan bunga ng ulat na patuloy na binabagsakan ito ng iligal na droga tulad ng shabu.
Pasado alas-11 ng umaga nang simulang salakayin ng tropa ang nasabing lugar bitbit ang tatlong search warrant na inisyu ni Judge Amor Reyes ng Manila Regional Trial Court, Branch 21, laban sa mga sinasabing notorious na ‘tulak’.
Isa-isang sinuyod ng mga operatiba ang mga bahay na pinaghihinalaang mga nagtutulak ng droga, gayundin ang mga drug den kung saan nalipol ang mahigit sa 40 katao, kabilang si Alvin Julaton na sinasabing pangunahing nagtutulak ng droga sa lugar. Ang NIA road ay ilang hakbang lamang ang layo sa headquarters ng PDEA.
Ang mga naarestong suspect ay dinala na sa nasabing himpilan para sa kaukulang disposisyon at sa pagsasailalim sa kanila sa rehabilitation.