MANILA, Philippines - Naaresto ng mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Metro Manila Regional Office (MMRO) ang dalawang Chinese national na pinaniniwalaang miyembro ng international drug traffickers sa isang buy-bust operation sa lungsod Pasay, iniulat kahapon.
Kinilala ni PDEA Director General/Undersecretary Jose S. Gutierrez Jr., ang mga suspect na sina Carlos Ang , 49; at Li Wia Bin, 39, kapwa nanunuluyan sa Room 552, Marriott Hotel sa Pasay.
Sinabi ni Gutierrez na si Ang ay nasa watchlist ng United States Drug Enforcement Administration (USDEA) at Philippine National Police-Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Force (PNP-AIDSOTF) dahil sa drug smuggling at importation, habang si Bin umano ay drug courier na naglilingkod sa malaking sindikato ng droga na nag-ooperate sa bansa.
Isinagawa ang buy-bust operation sa bisinidad ng Resort World Maxim Hotel sa Brgy. Villamor, Pasay City.
Nakumpiska sa mga suspect ang isang brick ng pulbura ng pinaghihinalaang cocaine na tumitimbang ng 1 kilo at nagkakahalaga ng higit kumulang sa P5 milyon.
Ayon kay Gutierrez, matagal na nilang minamanmanan ang kilos ng mga suspect simula nang makarating sa kanila ang impormasyon mula sa kanilang counterpart hinggil sa paglalagi ng mga ito sa bansa.